Tata Selo
Rogelio Sikat
Maliit lamang sa simula ang kulumpon ng taong nasa bakuran
ng munisipyo, ngunit nang tumaas ang araw, at kumalat na ang balitang tinaga at
napatay si Kabesang Tano, ay napuno na ang bakuran ng bahay-pamahalaan.
Naggitgitan ang mga tao, nagsiksikan, nagtutulakan, bawat
isa’y naghahangad makalapit sa istaked.
“Totoo ba, Tata Selo?”
“Binabawi niya ang aking saka kaya tinaga ko siya.”
Nasa loob ng istaked si Tata Selo. Mahigpit na nakahawak sa
rehas. May nakaalsang putok sa noo. Nakasungaw ang luha sa malabo at tila lagi
nang may inaaninaw na mata. Kupas ang gris niyang suot, may mga tagpi na ang
siko at paypay. Ang kutod niyang yari sa matibay na supot ng asin ay may bahid
ng natuyong putik. Nasa harap niya at kausap ang isang magbubukid, ang kanyang
kahangga, na isa sa nakalusot sa mga pulis na sumasawata sa nagkakaguluhang
tao.
“Hindi ko ho mapaniwalaan, Tata Selo,” umiling na wika ng
kanyang kahangga, “talagang hindi ko mapaniwalaan.”
Hinaplus-haplos ni Tata Selo ang ga-dali at natuyuan na ng
dugong putok sa noo. Sa kanyang harapan, di-kalayuan sa istaked,
ipinagtutulakan ng mga pulis ang mga taong ibig makakita sa kanya. Mainit ang
sikat ng araw na tumatama sa mga ito, walang humihihip na hangin at sa kanilang
ulunan ay nakalutang ang nasasalisod na alikabok.
“Bakit niya babawiin ang aking saka?” tanong ni Tata Selo.
“Dinaya ko na ba siya sa partihan? Tinuso ko na ba siya? Siya ang may-ari ng
lupa at kasama lang niya ako. Hindi ba’t kaya maraming nagagalit sa akin ay
dahil sa ayaw kong magpamigay ng kahit isang pinangko kung anihan?”
Hindi pa rin umaalis sa harap ng istaked si Tata Selo.
Nakahawak pa rin siya sa rehas. Nakatingin siya sa labas ngunit wala siyang
sino mang tinitingnan.
“Hindi mo na sana tinaga si kabesa,” anang binatang anak ng
pinakamayamang propitaryo sa San Roque, na tila isang magilas na
pinunong-bayang malayang nakalalakad sa pagitan ng maraming tao at ng istaked.
Mataas ito, maputi, nakasalaming may kulay at nakapamaywang habang
naninigarilyo.
“Binabawi po niya ang aking saka,” sumbong ni Tata Selo.
“Saan pa po ako pupunta kung wala na akong saka?”
Kumumpas ang binatang mayaman. “Hindi katwiran iyan para
tagain mo ang kabesa. Ari niya ang lupang sinasaka mo. Kung gusto ka niyang
paalisin, mapaaalis ka niya anumang oras.”
Halos lumabas ang mukha ni Tata Selo sa rehas.
“Ako po’y hindi ninyo nauunawaan,” nakatingala at nagpipilit
ngumiting wika niya sa binatang nagtapon ng sigarilyo at mariing tinakpan
pagkatapos. “Alam po ba ninyong dating amin ang lupang iyon? Naisangla lamang
po nang magkasakit ang aking asawa, naembargo lamang po ng kabesa. Pangarap ko
pong bawiin ang lupang iyon, kaya nga po hindi nagbibigay ng kahit isang
pinangko kung anihan. Kung hindi ko na naman po mababawi, masaka ko man lamang
po. Nakikiusap po ako sa kabesa kangina, “Kung maari akong paalisin. Kaya ko pa
pong magsaka, ‘Besa. Totoo pong ako’y matanda na, ngunit ako po nama’y malakas
pa.’ Ngunit... Ay! tinungkod po niya ako nang tinungkod, tingnan po n’yong
putok sa aking noo, tingnan po n’yo.”
Dumukot ng sigarilyo ang binata. Nagsindi ito at pagkaraa’y
tinalikuran si Tata Selo at lumapit sa isang pulis.
“Pa’no po ba’ng nangyari, Tata Selo?”
Sa pagkakahawak sa rehas, napabaling si Tata Selo. Nakita
niya ang isang batang magbubukid na na nakalapit sa istaked. Nangiti si Tata
Selo. Narito ang isang magbubukid, o anak-magbubukid, na maniniwala sa kanya.
Nakataas ang malapad na sumbrerong balanggot ng bata. Nangungulintab ito, ang
mga bisig at binti ay may halas. May sukbit itong lilik.
“Pinutahan niya ako sa aking saka, amang,” paliwanag ni Tata
Selo. “Doon ba sa may sangka. Pinaalis sa aking saka, ang wika’y tinungkod ako,
amang. Nakikiusap ako, sapagkat kung mawawalan ako ng saka ay saan pa ako
pupunta?”
“Wala na nga kayong mapupuntahan, Tata Selo.”
Gumapang ang luha sa pisngi ni Tata Selo. Tahimik na
nakatingin sa kanya ang bata.
“Patay po ba?”
Namuti ang mga kamao ni Tata Selo sa pagkakahawak sa rehas.
Napadukmo siya sa balikat.
“Pa’no pa niyan si Saling?” muling tanong ng bata. Tinutukoy
nito ang maglalabimpitong taong anak ni Tata Selo na ulila na sa ina. Katulong
ito kina Kabesang Tano at kamakalawa lamang umuwi kay Tata Selo. Ginagawang
reyna sa pista ng mga magbubukid si Saling nang nakaraang taon, hindi lamang
pumayag si Tata Selo. “Pa’no po niyan si Saling?”
Lalong humigpit ang pagkakahawak ni Tata Selo sa rehas.
Hindi pa nakakausap ng alkalde si Tata Selo. Mag-aalas-onse
na nang dumating ito, kasama ang hepe ng mga pulis. Galing sila sa bahay ng
kabesa. Abut-abot ang busina ng diyip na kinasasakyan ng dalawa upang mahawi
ang hanggang noo’y di pa nag-aalisang tao.
Tumigil ang diyip sa di-kalayaun sa istaked.
“Patay po ba? Saan po ang taga?”
Naggitgitan at nagsiksikan ang mga pinagpapawisang tao.
Itinaas ng may-katabang alkalde ang dalawang kamay upang payapain ang
pagkakaingay. Nanulak ang malaking hepe.
“Saan po tinamaan?”
“Sa bibig.” Ipinasok ng alkalde ang kanang palad sa bibig,
hinugot iyon at mariing inihagod hanggang sa kanang punong tainga. “Lagas ang
ngipin.”
“Lintik na matanda!”
Nagkagulo ang mga tao. Nagsigawan, nagsiksikan, naggitgitan,
nagtulakan. Nanghataw na ng batuta ang mga pulis. Ipinasiya ng alkalde na
ipalabas ng istaked si Tata Selo at dalhin sa kanyang tanggapan. Dalawang pulis
ang kumuha kay Tata Selo sa istaked.
“Mabibilanggo ka niyan,” anang alkalde pagpasok ni Tata Selo
sa kanyang tanggapan.
Pinaupo ng alkalde ang namumutlang si Tata Selo. Umupo si
Tata Selo sa silyang nasa harap ng mesa. Nanginginig ang kamay ni Tata Selo nang
ipatong niya iyon sa nasasalaminang mesa.\
“Pa’no nga ba’ng nangyari?” kunot-noo at galit na tanong ng
alkalde.
Matagal bago nakasagot si Tata Selo.
“Binabawi po niya ang aking saka, Presidente,” wika ni Tata
Selo. “Ayaw ko pong umalis doon. Dati pong amin ang lupang iyon, amin po,
naisangla lamang po at naembargo.”
“Alam ko na iyan,” kumukumpas at umiiling na putol ng
nagbubugnot na alkalde.
Lumunok si Tata Selo. Nang muli siyang tumingin sa
presidente, may nakasungaw na luha sa kanyang malalabo at tila lagi nang may
inaaninaw na mata.
“Ako po naman, Presidente, ay malakas pa,” wika ni Tata
Selo. “Kaya ko pa pong magsaka. Makatwiran po bang paalisin ako? Malakas pa po
naman ako, Presidente, malakas pa po.”
“Saan mo tinaga ang kabesa?”
Matagal bago nakasagot si Tata Selo.
“Nasa may sangka po ako nang dumating ang kabesa. Nagtatapal
po ako ng pitas sa pilapil. Alam ko pong pinanood ako ng kabesa, kung kaya po
naman pinagbuti ko ang paggawa, para malaman niyang ako po’y talagang malakas
pa, na kaya ko pa pong magsaka. Walang anu-ano po, tinawag niya ako at ako po’y
lumapit, sinabi niyang makaalis na ako sa aking saka sapagkat iba na ang
magsasaka.”
“Bakit po naman, “Besa?” tanong ko po. Ang wika’y umalis na
lang daw po ako. ‘Bakit po naman, ‘Besa?’ tanong ko po uli, ‘malakas pa po
naman ako, a.’ Nilapitan po niya ako nang tinungkod.”
“Tinaga mo na n’on,” anang nakamatyag na hepe.
Tahimik sa tanggapan ng alkalde. Lahat ng tingin – may mga
eskribiyente pang nakapasok doon – ay nakatuon kay Tata Selo. Nakauyko si Tata
Selo at gagalaw-galaw ang tila mamad na daliri sa ibabaw ng maruming kutod. Sa
pagkakatapak sa makintab na sahig, hindi mapalagay ang kanyang may putik,
maalikabok at luyang paa.
“Ang inyong anak, na kina Kasesa raw?” usisa ng alkalde.
Hindi sumagot si Tata Selo.
“Tinatanong ka,” anang hepe.
Lumunok si Tata Selo.
“Umuwi na po si Saling, Presidente.”
“Kailan?”
“Kamakalawa po ng umaga.”
“Di ba’t kinatatulong siya ro’n?”
“Tatlong buwan na po.”
“Bakit siya umuwi?”
Dahan-dahang umangat ang mukha ni Tata Selo. Naiyak na
napayuko siya.
“May sakit po siya?”
Nang sumapit ang alas-dose – inihudyat iyon ng sunud-sunod
na pagtugtog ng kampana sa simbahan na katapat lamang ng munisipyo – ay umalis
ang alkalde upang manghalian. Naiwan si Tata Selo, kasama ang hepe at dalawang
pulis.
“Napatay mo pala ang kabesa,” anang malaking lalaking hepe.
Lumapit ito kay Tata Selo na nakayuko at din pa tumitinag sa upuan.
“Binabawi po niya ang aking saka,” katwiran ni Tata Selo.
Sinapok ng hepe si Tata Selo. Sa lapag, halos mangudngod si
Tata Selo.
“Tinungkod po niya ako nang tinungkod,” nakatingala, umiiyak
at kumikinig ang labing katwiran ni Tata Selo.
Itinayo ng hepe si Tata Selo. Kinadyot ng hepe si Tata Selo
sa sikmura. Sa sahig, napaluhod si Tata Selo, nakakapit sa umipormeng kaki ng
hepe.
“Tinungkod po niya ako nang tinungkod...Ay! tinungkod po
niya ako nang tinungkod...”
Sa may pinto ng tanggapan, naaawang nakatingin ang dalawang
pulis.
“Si Kabesa kasi ang nagrekomenda kat Tsip, e,” sinasabi ng
isa nang si Tata Selo ay tila damit na nalaglag sa pagkakasabit nang muling
pagmalupitan ng hepe.
Mapula ang sumikat na araw kinabukasan. Sa bakuran ng
munisipyo, nagkalat ang papel na naiwan nang nagdaang araw. Hindi pa namamatay
ang alikabok, gayong sa pagdating ng uwang iyo’y dapat nang nag-uulan. Kung may
humihihip na hangin, may mumunting ipu-ipong nagkakalat ng mga papel sa itaas.
“Dadalhin ka siguro sa kabesera,” anang bagong paligo at
bagong bihis na alkalde sa matandang nasa loob ng istaked. “Doon ka siguro
ikukulong.”
Wala ni papag sa loob ng istaked at sa maruing sementadong
lapag nakasalampak si Tata Selo. Sa paligid niya’y may natutuyong tamak-tamak
na tubig. Nakaunat ang kanyang maiitim at hinahalas na paa at nakatukod ang
kanyang tila walang butong mga kamay. Nakakiling, nakasandal siya sa steel
matting na siyang panlikurang dingding ng istaked. Sa malapit sa kanyang kamay,
hindi nagagalaw ang sartin ng maiitim na kape at isang losang kanin. Nilalangaw
iyon.
“Habang-buhay siguro ang ibibigay sa iyo,” patuloy ng
alkalde. Nagsindi ng tabako at lumapit sa istaked. Makintab ang sapatos ng
alkalde.
“Patayon na rin ninyo ako, Presidente.” Paos at bahagya nang
marinig ang rehas nguni’t pinagkiskis niya ang mga palad at tiningnan kung may
alikabok iyon. Nang tingnan niya si Tata Selo, nakita niyang lalo nang nakiling
ito.
May mga tao na namang dumarating sa munisipyo. Kakaunti iyon
kaysa kahapon. Nakapasok ang mga iyon sa bakuran ng munisipyo, ngunit may
kasunod na pulis. Kakaunti ang magbubukid sabagong langkay na dumating at
titingin kay Tata Selo. Karamihan ay mga taga-poblacion. Hanggang noon, bawat
isa’y nagtataka, hindi makapaniwala, gayong kalat na ang balitang ililibing
kinahapunan ang kabesa. Nagtataka at hindi nakapaniwalang nakatingin sila kay
Tata Selo na tila isang di pangkaraniwang hayop na itinatanghal.
Ang araw, katulad kahapon, ay mainit na naman. Nang
magdakong alas-dos, dumating ang anak ni Tata Selo. Pagkakita sa lugmok na ama,
mahigpit itong napahawak sa rehas at malakas na humagulgol.
Nalaman ng alkalde na dumating si Saling at ito’y ipinatawag
sa kanyang tanggapan. Di nagtagal at si Tata Selo naman ang ipinakaon. Dalawang
pulis ang umaalalay kay Tata Selo. Nabubuwal sa paglakad si Tata Selo. Nakita
niya ang babaing nakaupo sa harap ng mesa ng presidente.
Nagyakap ang mag-ama pagkakita.
“Hindi ka na sana naparito, Saling” wika ni Tata Selo na
napaluhod. “May sakit ka Saling, may sakit ka!?
Tila tulala ang anak ni Tata Selo habang kalong ang ama.
Nakalugay ang walang kintab niyang buhok, ang damit na suot ay tila yaong suot
pa nang nagdaang dalawang araw. Matigas ang kanyang namumutlang mukha.
Pinaglilipat-lipat niya ang tingin mula sa nakaupong alkalde hanggang sa mga
nakatinging pulis.
“Umuwi ka na, Saling,” hiling ni Tata Selo. “Bayaan mo
na...bayaan mo na. Umuwi ka na, anak. Huwag ka nang magsasabi...”
“Kinabog kagabi,” wika ng isang magbubukid. “Binalutan ng
basang sako, hindi nga halata.”
“Ang anak, dumating daw?”
“Naki-mayor.”
Sa isang sulok ng istaked iniupo ng dalawang pulis si Tata
Selo. Napasubsob si Tata Selo pagakaraang siya’y maiupo. Ngunit nang marinig
niyang muling ipinapakaw ang pintong bakal ng istaked, humihilahod na ginapang
niya ang rehas, mahigpit na humawak doon at habang nakadapa’y ilang sandali
ring iyo’y tila huhutukin. Tinawag niya ang mga pulis ngunit paos siya at
malayo na ang mga pulis. Nakalabas ang kanang kamay sa rehas, bumagsak ang
kanyang mukha sa sementadong lapah. Matagal siyang nakadapa bago niya narinig
na may tila gumigisang sa kanya.
“Tata Selo...Tata Selo...”
Umangat ang mukha ni Tata Selo. Inaninaw ng may luha niyang
mata ang tumatawag sa kanya.
Iyon ang batang dumalaw sa kanya kahapon.
Hinawakan ng bata ang kamay ni Tata Selo na umaabot sa kanya.
“Nando’n, amang, si Saling sa Presidente,” wika ni Tata
Selo. “Yayain mo nang umuwi, umuwi na kayo. Puntahan mo siya, amang. Umuwi na
kayo.” Muling bumagsak ang kanyang mukha sa lapag. Ang bata’y saglit na
nagpaulik-ulik, pagkaraa’y takot na bantulot na sumunod...
Mag-iikapat na ng hapon. Padahilig na ang sikat ng araw,
ngunit mainit pa rin iyon. May kapiraso nang lilim sa istaked, sa may dingding
sa steel matting, ngunit si Tata Selo’y wala roon. Nasa init siya, nakakapit sa
rehas sa dakong harapan ng istaked. Nakatingin sitya sa labas, sa kanyang
malalabo at tila lagi nang nag-aaninaw na mata’y tumatama ang mapulang sikat ng
araw. Sa labas ng istaked, nakasandig sa rehas ang batang inutusan niya
kangina. Sinasabi ng bata na ayaw siyang papasukin sa tanggapan ng alkalde
ngunit hindi siya pinakikinggan ni Tata Selo, na ngayo’y hindi na pagbawi ng
saka ang sinasabi.
Habang nakakapit sa rehas at nakatingin sa labas, sinasabi
niyang lahat ay kinuha na sa kanila, lahat, ay! ang lahat ay kihuan na sa
kanila...
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento